BITUIN AT PANGANORIN
Ako’y nagsapanganorin upang ikaw’y makausap
At sa pisngi niyong langit ang dilim ko’y inilatag;
Ang nais ko’y matapakan ka ng sapot kong mga ulap
At nang yaong pagsikat mo’y ako lang ang makamalas:
Bituin kang sakdal gandang hatinggabi kung sumilang
Na Buwan ang iyong ina at ang ama’y yaong Araw,
Ang Araw na iyong ama nang malubog sa kanluran
Ay nagsabi sa palad kong huwag kitang lalapitan.
Ako nama’y sumang-ayon dapwat ako’y Panganorin
Na talagang hatinggabi kung lumapit sa Bituin,
Kaya ikaw, Bituin ko’y nasuyo ko’t naging akin.
Liwanag mo at dilim ko’y magdamag ding naghalikan,
Ngunit tayo’y inumaga! … Akong dilim ay naparam
At natakot sa ama mong nandidilat sa silangan!
DAHIL SA PAG-IBIG
KAHAPON…
Sa tingin ko’y tila pawang kalumbayan
ang inihahandog ng lahat ng bagay,
pati ng mabangong mga bulaklakan
ay putos ng luksa at pugad ng panglaw;
akala ko tuloy itong Daigdigan
ay isang mallit na libingan lamang.
Mangyari, Kahapon
ang dulot mo’y lason.
NGAYON…
Sa mga mata ko ay pawang ligaya
ang inihahandog ng bawa’t makita,
pati ng libingang malayo’t ulila
wari’y halamanang pugad ng ginhawa;
sa aking akala’y tila maliit pa
itong Daigdigan sa aking panata.
Papaano, Ngayo’y
nagwagi ang layon.
BUKAS…
Sino baga kaya ang makatatatap
ng magiging guhit nitong ating palad?
Ang buhay ng tao ay lunday sa dagat
na inaamihan at hinahabagat;
itong Daigdigan ay isang palanas
na nabibinhian ng lungkot at galak.
Bukas! Ang pag-asa’y
mahirap mataya…
SA TABI NG DAGAT
Marahang-marahang
manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!
Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
nguni’t walang ingay,
hangganq sa sumapit sa tiping buhangin…
Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nanginigmi,
gaganyakin kata
sa nangaroroong mga lamang-lati:
doon ay may tahong,
talaba’t halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapit-hapon
kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan…
Ang Kanyang Mga Mata
Dalawang bituing
kumikislap-kislap
sa gitna
ng dilim. . .
Tambal ng aliw
na sasayaw-sayaw
sa tuwing ako’y
naninimdim. . .
Bukang-liwayway
ng isang pagsintang
walang maliw!
Takipsilim
ng isang pusong
di magtataksil!
ANG AKING INA
Gaya rin ng iba, ang ina kong giliw
Ay inang mayumi’t lubhang maramdamin,
Inang hindi yuko sa mga hilahil,
Inang mapagbata at siya kong virgen.
Mayrong isang Diyos na kinikilala,
May isang dakilang pananampalataya,
Sa kanya ang madla’y kulay ng umaga,
Ang galit ay awa’t sa poot ay tawa.
Siya ang dakilang Batas sa tahanan,
Kamay na masipag, Kampana ng buhay,
Susi ng pag-ibig na kagalanggalang.
Sa kanya ang lahat ay pawang mabuti,
Ang dukha’t mayaman ay kapuripuri
Palibhasa’y inang may puso’t pagkasi.
SHORT BIOGRAPHICAL INFORMATION OF CLODUALDO DEL MUNDO (Ang Kanyang Mga Mata)
Clodualdo del Mundo was born in Manila in 1911. Liwayway editor, critic, scholar, and head of TANIW (Taliba ng Inang Wika). Winner of a presidential award on literature and nationalism. Pioneer in modern drama, having presented the first modern Tagalog zarzuela, Anong Tamis ng mga Sandali sa Sariling Bayan, at the Cultural Center of the Philippines, and the first modern opera with Balagtas as hero. Wrote a great number of “novels” for television, radio, and the local cinema, receiving the FAMAS award for one of his stories. In poetry, he was among the first to write in free verse. His
Ang Kanyang mga Mata (patterned after the Japanese haiku) is a gem in its lucidity and restraint. He passed away on October 5, 1977.